DCPO, magpapakalat ng karagdagang pulis sa kolehiyo, unibersidad

Walang nakikitang masama si Police Col. Alexander Tagum, hepe ng Davao City Police Office (DCPO) sa balak ni Senator Ronald Dela Rosa na maghain ng panukalang batas na magpapalakas sa presensya ng mga pulis sa mga kolehiyo at unibersidad, dahil malaya naman daw nakakapasok ang mga militante at New People’s Army (NPA) sa mga eskuwelahan upang magsagawa ng recruitment sa mga estudyante.

Ayon kay Tagum, may ilang insidente na rin na kabilang sa mga napatay sa engkuwentro sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at NPA ay mga estudyante ng ilang pamantasan.

Balak ni Tagum,na magpakalat ng mga police intelligence sa loob ng mga unibersidad upang bantayan ang aktibidad at kilos ng mga militante, na front umano ng Communist Party of the Philippines-NPA (CPP-NPA), upang mapigilan na magamit ng mga rebelde ang mga kabataan.

Katwiran ng opisyal, kaya naging epektibo ang recruitment ng NPA, dahil malaya nilang nagagawang breeding ground ang eskuwelahan para sa kanilang recruitment at, impluwensyahan ang mga kabataang estudyante sa mga kolehiyo at unibersidad sa bansa, upang magkaroon ng galit sa pamahalaan.