P25,000 zero loan interest para sa mga naapektuhang magsasaka bunsod ng pagputok ng bulkang Mayon, maaari ng kunin sabi ng Palasyo

Maaari ng makakuha ang mga magsasaka sa Albay na naapektuhan ng pagsabog ng bulkang Mayon ng P25,000 interest free loan mula sa Department of Agriculture (DA) sa ilalim ng Survival and Recovery Assistance o SURE Program.

Ayon kay Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque, pagtupad ito sa financial assistance na ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang pagbisita sa Albay noong Enero.

Paliwanag ni Roque na sa ilalim ng SURE program makakakuha ang isang magsasaka ng paunang P5,000 para sa kanyang pang-araw araw na pangangailangan.

Ang nalalabing P20,000 ay maibibigay pagkabalik na ng magsasaka sa kanyang tahanan o sa lupang sinasaka para makapagsimula muli.

Isusumite naman ng local government unit sa pamamagitan ng municipal agriculture officer ang listahan ng pangalan ng mga naapektuhang magsasaka na ii-endorso naman sa Dept. of Agriculture. | via Alvin Baltazar