25 percent hazard pay sa private at public frontliners, ipinanawagan

Nanawagan si Labor and Employment Committee Vice Chairman at TUCP Partylist Rep. Raymond Mendoza sa gobyerno, na bigyan ng 25 percent hazard pay sa ilalim ng Bayanihan Act ang lahat ng public at private sector frontline workers.

Iginiit ni Mendoza, na tulad sa mga pampublikong sektor ay nararapat din na mabigyan ng 25 porsiyentong  hazard pay ang mga nasa pribadong sektor.

Kabilang sa mga frontliner na pinabibigyan ng 25 percent hazard pay ay ang mga nasa media, bangko, supermarkets, security, manufacturing, sanitation, food industry, delivery at trucking, at ang iba pang mga nagtatrabaho sa panahon ng enhanced community quarantine.

Samantala, kahapon ay ibinahagi ni Albay Rep. Joey Salceda, ang breakdown kung magkano ang tatanggaping cash assistance ng nasa 18 million low income family sa buong bansa sa ilalim ng Bayanihan To Heal As One Act

Nasa ₱5,000 hanggang ₱8,000 ang matatanggap ng bawat benepisyaryong pamilya, depende sa minimum wage sa kanilang lugar. Kabilang sa mga mabibigyan ang mga magsasaka, mangingisda, at iba pang mga trabahador sa informal sector.

Sa datos na inilabas ni Salceda, ang National Capital Region (NCR) ang may pinakamataas na benepisyo sa halagang ₱8,000.

Sinundan ito ng Regions 3 at 4A, na may ₱6,500 subsidy, habang ₱6,000 naman ang matatanggap ng mga beneficiaries sa Regions 6, 7, 10, at 11. Ang Cordillera Administrative Region at Regions 1 and 2 naman ay nasa ₱5,500 habang nasa ₱5,000 naman ang sa Regions 4B, 5, 8, 9, 12, CARAGA, at BARMM.