25-day old na sanggol, pinakabatang namatay sa COVID-19 sa Davao Region

Sinabi ng Department of Health (DOH) Davao Region, isang sanggol na 25-day old ang namatay noong Sabado, May 9 ang pinaniniwalaang pinakabatang nasawi sa COVID-19 sa Davao Region.

Base sa datos ng DOH Davao Region noong Sabado, ang naturang sanggol ay isa sa pitong bagong kaso ng COVID-19 sa Davao City. Ito ay mula sa Barangay 23-C na isa sa mga lugar sa Davao City na pinanggagalingan ng maraming kaso ng naturang sakit. Ang bata ay nakitaan ng sintomas ng virus noong May 6 at namatay noong May 9. Iniimbestigahan pa ng mga health authority kung paano nahawaan ang bata sa naturang sakit.

Ayon kay Dr. Leopoldo Vega, Chief of Hospital ng Southern Philippines Medical Center, ang sanggol ay ipinanganak sa SPMC noong April 13 na wala namang komplikasyon at na-discharge kinabukasan April 14 . Pero na-admit ang baby noong May 6 dahil sa loose bowel movement.

Ang final diagnosis sa baby ay nagkaroon ito ng septic shock secondary to neonatal sepsis, neonatal pneumonia, acute gastroenteritis na may severe dehydration, multiple electrolyte imbalance at COVID-19.