24 na pangalan ang pagpipilian ng PDP Laban sa pagbuo ng 12 senatorial slate para sa 2019 Midterm Elections – Sen. Pimentel

Dalawampu’t apat na pangalan ang kasalukuyang kinukunsidera ng PDP Laban na pagpipilian para buohin ang 12 katao sa senatorial slate ng partido para sa May 2019 Midterm Elections.

Sa kanyang sulat sa Pangulong Rodrigo Duterte, chairman ng PDP Laban, nabanggit ni PDP Laban President at Senador Koko Pimentel ang 24 na pangalan na kinabibilangan ng 11 na aktibong miyembro ng kanilang partido, walo mula sa mga tinaguriang “friends of the party” at ang limang kaalyadong mga re-eleksyonistang senador.

Ang 11 aktibong miyembro ng PDP Laban ay kinabibilangan nina Secretary Christopher “Bong” Go, Secretary Francis Tolentino,  Senador Koko Pimentel, Congressman Karlo Alexei Nograles, Congressman Zajid Mangudadatu, Congresswoman Geraldine Roman, Congressman Monsour del Rosario,  singer Freddie Aguilar, media man Jiggy Manicad, Congressman Alfredo Benitez at Congressman Dakila Cua.

Ang mga tinaguriang “friends of the party” ay sina Davao City Mayor Sara Duterte, General Ronald ‘Bato’  dela Rosa,  actor Robin Padilla, former Senator Lito Lapid, former Interior Secretary Rafael Alunan, media man Ramon Tulfo, Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque at Congresswoman Pia Cayetano.

Samantala, ang mga kaalyadong re-eleksyonistang senador ay sina  Senators Cynthia Villar, Sonny Angara, JV Ejercito, Grace Poe at Nancy Binay.

Sa nasabing sulat, nabanggit ni Pimentel na inaasahan niyang makakapulong ng liderato ng partido si Pangulong Duterte na kanilang chairman ng partido, sa lalong madaling panahon upang mapag-usapan ang patungkol sa PDP Laban at mapaghandaan ang nalalapit na 2019 Midterm Elections.  | ulat ni Jojo Ismael