21,000 pamilya, apektado ng bagyong Samuel

Umabot na sa 21,000 pamilya o mahigit 81,000 indibidwal ang apektado ng nagdaang bagyong Samuel.

Ang mga apektadong residente ay mula sa 216 na barangay sa Regions 5, 7 at 8, batay sa huling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Aabot naman sa 850 pamilya ang nasa loob ng mga evacuation centers, habang nasa 79 na pamilya naman ang nakikituloy sa kanilang mga kaanak.

Tatlong insidente naman ng landslide ang naitala ng NDRRMC sa Region 8, partikular na sa Lope de Vega at Catubig sa Northern Samar.

Aabot naman sa mahigit 1,133 na mga kabahayan ang nasira, partikular sa Region 8, habang naibalik na ang suplay ng kuryente sa tatlong bayan sa Palawan na hanggang kahapon ay walang kuryente. | ulat ni Leo Sarne