21 NPA sumuko sa Sultan Kudarat

21 dating miyembro ng New People’s Army ang sumuko Sa 6th Infantry Division(6ID) at Lebak Municipal Task Force to End Local Communist Armed Conflict (Lebak MTF-ELCAC) sa Munisipyo ng Lebak, Sultan Kudarat kahapon.

Ayon kay Colonel Eduardo Gubat, Commander ng 603rd Infantry Brigade, ang mga sumuko ay pinangunahan ni Ariel Odas Apang alyas Tats, ang Commanding Officer ng Dragon Fruit Platoon, East Daguma Front, kasama ang 20 miyembro ng kanyang platoon.

Isinuko din ng mga nagbalik-loob ang 21 matataas na kalibre ng armas at mga gamit pandigma.

Ayon kay Major General Juvymax Uy, Commander of JTF Central at 6th Infantry Division, ang mass surrender ay nakatulong para mapahina ang pwersa ng mga terroristang komunista sa Region 12.

Aabot na aniya sa 60 ang mga sumukong NPA, at 60 rin ang isinukong armas sa kanilang area of responsibility mula Enero ng taong ito.

Ang mga sumuko ay pansamantalang tutuloy sa mga halfway house sa Sultan Kudarat habang pinoproseso ang kanilang mga benepisyo sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local integration Program (E-CLIP) ng pamahalaan.

Nakatanggap din sila ng immediate cash and livelihood assistance mula kay Sultan Kudarat Governor Suharto Teng T. Mangudadatu at Lebak Mayor Frederick Celestial.