2020 National Budget, tiniyak na magiging “pork-free”

Wala nang pork barrel.

Ito ang pagtitiyak ni House Speaker Alan Peter Cayetano, matapos matanggap ng Kamara ang P4.1 trillion 2020 National Expenditure Program.

Ani Cayetano, ang mga kagawaran na ang naglalagay ng mga pondo sa mga district projects batay sa report na isinumite naman ng lokal na pamahalaan, district at regional officials kasama ang district representatives sa kung anong mga programa ang mahalaga para sa kanilang bayan.

Sinabi naman ni House Majority Leader Martin Romualdez na tatalima ang Kamara sa ruling ng Supreme Court na nagdedeklarang “unconstitutional” ang anumang uri ng pork barrel.

Istrikto aniyang ipatutupad ang line item budgeting at tinitiyak ang transparency gayundin ang accountability sa pamamahagi ng public funds.

Sa panig ng minorya, sinabi ni House Minority Leader Bienvenido Abante na kaisa sila sa paghihimay ng budget at pagtitiyak na maipapasa ito on time.