2020 budget savings ng DOH, maaaring pagkunan ng pondo ng SRA para sa healthcare workers

Kinumpirma ng Department of Budget and Management (DBM), na maaari pang magawan ng paraan na maibigay sa mga healthcare worker ang hinihingi nilang special risk allowance (SRA).

Ito ay kahit pa naibalik na sa national treasury ang inilaang P9.02 billion na pondo para dito.

Sa naging pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, sinabi ni DBM Officer in Charge Undersecertary Tina Rose Marie Canda, na maaaring hugutin ang funding source sa patuloy na pagbibigay ng SRA mula sa savings ng Department of Health (DOH) sa 2020 national budget.

Agad namang tumugon dito si Health Secretary Francisco Duque III at sinabing agad siyang magpapatawag ng meeting sa kanilang ahensya, para makanahap ng pondong maaaring i-realign para sa SRA ng mga healthcare worker.

Samantala, binigyang diin naman ni Senate Committee on Finance Chairperson Senator Sonny Angara, na bagamat nag-expire na ang Bayanihan 2 law nitong June ay nakasaad sa batas, na dapat magpatuloy pa rin ang pagbibigay ng SRA sa mga medical frontliner hanggat umiral ang state of national emergency.