2020 budget ng Senado, maaaring matapyasan

Ipinapanukala ni Anakalusugan Partylist Representative Mike Defensor na bawasan ang pondo ng Senado para sa susunod na taon.

Ayon kay Defensor, hindi tulad ng Kamara, wala namang distrito at constituents na dapat paglaanan ng proyekto at programa ang mataas na kapulungan.

Tugon ito ni Defensor sa privilege speech ni Deputy Speaker Fredenil Castro, kung saan pinahihingi nito ng paumanhin si Senator Panfilo Lacson kasunod ng kanyang paratang na may pork sa ipinasang General Appropriations Bill (GAB) ng kamara.

Pero naniniwala si Defensor, na hindi lang si Lacson kung hindi buong senado ang dapat humingi ng dispensa sa pangyayari.

Umaasa rin ang kongresista na mapapabilang sa Bicameral Conference Committee si Deputy Speaker Castro upang mabusisi ang budget ng Senado.