2020 budget ng DOLE, sumalang sa pagdinig

Sumalang na sa budget hearing ang Department of Labor and Employment (DOLE) ngayong araw.

Aabot sa P14.42  bilyon ang hinihinging pondo ng DOLE para sa susunod na taon. Mas mababa ng 12% mula sa kasalukuyan nitong pondo na P16.36 bilyon.

Sa mahigit P14 bilyon na pondo, P9.2 bilyon ang para sa Office of the Secretary na mayroong pagbaba ng 21%.

Tatlo naman sa attached agencies ng ahensya ang may pagtaas sa budget allotment. Ito ay ang OWWA na may P1.45 bilyon, PRC na P1.37 bilyon at POEA na may P510 milyon.

Aminado ang DOLE na ilan sa kanilang mga programa ang nabawasan ng pondo.

Isa na rito ang programa kontra child labor. Sa 2019 budget, nasa P115  milyon ang inilaan ngunit sa 2020 ay bumaba ito ng P15 milyon na lamang.

Nangako naman ang ilang kongresista na kanilang pag-aaralan ang budget proposal ng DOLE upang madagdagan pa ito.

Ayon kay Representative Enrico Pineda, magpapasa sila ng committee resolution para maibalik ang natapyas na pondo ng DOLE.

Samantala, ibinida naman ni Labor Secretary Silvestre Bello III, na aabot na sa 504,000 contractuals ang na-regularize mula 2016 hanggang 2019.

Panawagan naman ng kalihim sa kongreso, na sana ay madagdagan ang kanilang labor inspectors sa bansa.

Sa kasalukuyan, 710 inspectors lang ang mayroon ang DOLE na nag-iinspect sa nasa 900,000 establishment.

Bukod pa ito sa kanilang bagong responsibilidad, sa pagtitiyak naman na walang makakalusot na foreign national na aabuso sa pagkuha ng Alien Employment Permit lalo na sa paglaganap ng POGO sa bansa.