2020 budget ng DOJ, pasado na sa Senate committee level

Aprubado na sa committee level ng Senado ang panukalang P21.75 billion pesos na pondo ng Department of Justice (DOJ) at ng lahat ng attached agencies nito para sa susunod na taon.

Pero sa naging pagdinig, kinuwestiyon ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang pagkakaroon ng sariling forensics laboratory ng Public Attorney’s Office (PAO).

Giit ni Drilon, hindi awtorisado ang pagkakabuo ng PAO forensics at dinodoble lang nito ang trabaho ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP).

Maaari rin aniya itong nagresulta sa magkasulungat na findings ng PAO, National Bureau of Investigatiom (NBI) at PNP sa ilang mga kaso.

Paliwanag ni PAO Chief Atty. Persida Acosta, nabuo ang PAO forensics sa ilalim ng 2019 General Appropriations Act (GAA) kasama na dito ang pagkuha ng mga empleyado para sa naturang opisina.

Pero tugon dito ni Drilon, kung GAA ang basehan ng pagkakabuo ng naturang opisina ay maaari rin nilang tanggalin ang naturang opisina sa pamamagitan ng hindi pagbibigay ng pondo dito sa ilalim ng bagong GAA.

Dahil dito, isinulong ng senador na tanggalin ang P19.5 million pesos na panukalang pondo para sa PAO forensics at sa halip ay ilipat ito sa pondo ng NBI.

Sa pamamagitan aniya nito ay mas mapapalakas pa ang kakayahan ng crime laboratory ng NBI.

Sa ngayon, dahil pasado na sa komite ang budget ng Department of Justice (DOJ) at lahat ng attached agencies nito, sa plenaryo na inaasahang muling mapag-uusapan ang mungkahi ni Drilon.