2,000 pulis, mare-reassign alinsunod sa ‘localization’

Simula sa linggong ito ay ire-reassign na sa iba’t ibang rehiyon ang 2,000 pulis na boluntaryong nagpalipat sa ilalim ng “localization program” ng Philippine National Police (PNP).

Ayon kay PNP Chief General Camilo Pancratius Cascolan, ang inisyal na rigodon ay “inter-regional reassignment” ng mga tauhan patungo sa kanilang mga “hometown” o kung saan sila permanenteng residente.

Nilinaw naman ni Cascolan na one-is-to-0ne (1:1) swapping ang gagawin kung saan papalitan din ang mga ililipat na pulis ng mga pulis na nais magpa-reassign sa mga lugar na kanilang iiwanan.

Pero ang National Capital Region Police Office (NCRPO) at PRO-4A o Calabarzon aniya ay may kailangan pang plantsahing mga detalye sa kanilang staffing at deployment bago makumpleto ang kanilang “localization”
upang hindi magkaroon ng “vacuum” o kakulangan ng mga tauhan sa mga lugar na ito.

Ginawang prayoridad ni Cascolan ang “localization” upang mapataas ang morale ng mga pulis at maging mas epektibo sa kanilang trabaho.

Paliwanag ni Cascolan, ang mga pulis na nagtatrabaho sa lugar kung saan sila residente ay magkakaroon ng “sense of ownership” at mas magmamalasakit sa kanilang komunidad.