2 sundalo ng Philippine Marines na umano’y gun for hire, arestado ng Iloilo Police

Dalawang aktibong miyembro ng Philippine Marines na umano’y gun for hire ang inaresto ng mga pulis ng Barotac Viejo Municipal Police Station sa Iloilo, matapos na pagbabarilin ang dalawang biktima na nakasakay sa isang elf truck sa Brgy. Poblacion, Barotac, Viejo kamakalawa.

Sa report na ipinadala sa Camp Crame, kinilala ni PRO 6 Regional Director Csupt John Bulalacao ang dalawang sundalo na sina Cpl. Jessie Ensilay at Sgt. Brian Rey Mullot, na kapwa nakadestino sa Headquarters Marine Batallion Landing Team 5 sa Barangay Palambang, Sultan Kudarat.

Nakasakay umano ang dalawang sundalo sa isang itim na Honda XRM 125 motorcycle nang mag-overtake ang mga ito sa sasakyan ng mga biktima at pinagbabaril ang mga ito, na nagresulta sa agarang pagkamatay ng isa sa mga biktima na kinilalang si Joren Banas.

Ang pangalawang biktima na si Pebe Pabarona ay nakaganti ng putok at tinamaan ang suspek na si Cpl. Ensilay sa tiyan.

Agad ding naaresto ng mga rumespondeng pulis ang dalawang sundalo, at dinala sa ospital ang sugatang suspek na si Cpl. Ensilay, habang kasalukuyang nakaditine ang pangalawang suspek na si Sgt. Brian Rey Mullot sa Barotac Viejo Municipal Police Station.

Narecover sa mga suspek ang dalawang 45 cal. armscor pistol na ginamit ng mga suspek sa krimen.

Una nang ipinag-utos ni Csupt Bulalacao sa lahat ng units ng PRO 6, na maging proactive sa paglutas ng lahat ng mga kaso ng riding in tandem, at maging alerto sa mga posibleng pananambang ng mga motorcycle riding suspects. | ulat ni Leo Sarne