2 sumukong preso na nakalaya sa GCTA, itinangging nagbayad sila para makalaya

 

Itininanggi ng dalawang presong sumuko sa PNP-Special Action Force matapos mapalaya sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) na nagbayad sila para makalaya.

Ito’y sa isinagawang presentasyon at turn-over sa BuCor kahapon sa Camp Bagong Diwa ng dalawang presong kinilalang sina Ladislao Abo, 62, tubong Quezon na may kasong rape, at Armando Galang, 50, taga-Caloocan na May kasong murder, na kapwa nakulong ng mahigit 20 taon sa iwahig penal colony.

Ayon kay Abo, walang hiningi sa kanila ang mga tauhan ng BuCor para mapabilang sa mga nabiyayaan ng GCTA, at sila pa ang binigyan ng konting baon bago sila lumabas sa kulungan.

Sinabi naman ni Galang na walang pera ang kanyang pamilya kaya wala din silang maibibigay kahit may manghingi, pero nakalaya pa rin siya.

Giit ng dalawa na dumaan sa tamang proseso ang pagpapalaya sa kanila.

Kapwa nagpahayag ng pagkalungkot ang dalawa na matapos lang ang dalawang linggo mula nang mapalaya sila ay napanood nila sa TV ang sinabi ng Pangulo na kailangan nilang bumalik.

Pero wala na daw silang magawa kundi sumunod sa utos ng Pangulo, kaya sila sumuko.