2 sa 6 na binugbog na graduates ng PNPA, nagsampa na ng kaso laban sa mga nambugbog sa kanila

Dalawa sa anim na binugbog na bagong graduate ng PNPA ang nagsampa ng kaso laban sa mga nakababatang kadeteng nambugbog sa kanila.

Kinilala ni PNPA Director PCSupt. Joseph Adnol, ang dalawang nagsampa ng kaso na sina PInsp. Ylam Lambenecio at PInsp. Arjay Divino.

Siyam na kadete ng PNPA, ang sinampahan ng kasong kriminal dahil umano sa kanilang partisipasyon sa pagkuyog na ginawa sa anim na mga bagong graduate sa loob mismo ng PNPA pagkatapos ng graduation ceremony noong nakaraang Miyerkules.

Ang siyam ay kasama sa 41 “cadets of interest” na iniimbestigahan ng PNPA kaugnay ng nasabing insidente.

Ayon kay Adnol, naka-focus ang kanilang imbestigasyon sa 15 kadete sa ngayon.

Kinontra din ni Adnol ang inihayag ni PNP Chief PDG Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na ang pambubugbog ay bahagi ng tradisyon ng PNPA at iginiit na isolated incident lang ang naturang pangyayari.

Giit ni Adnol, sariling inisyatiba lang ng mga kadete ang kanilang ginawa. | via Leo Sarne