2 residente ng QC na nagtungo sa birthday community pantry ni Angel Locsin, nagpositibo sa COVID-19

Kinumpirma ng City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU) ng Quezon City, na nagpositibo ang dalawang residente ng Brgy. Holy Spirit, na nagtungo sa community pantry ng aktres na si Angel Locsin.

Ito ay matapos lumabas sa pagsusuri ng RT-PCR na ginawa noong April 28, kung saan ang mga pasyente ay isang 42 taong gulang at isang 43 taong gulang na kapwa babae.

Sinabi ni CESU Chief Dr. Rolando Cruz, isa pang 11 taong gulang na anak ng isa sa mga nagpositibo ang nahawaan na rin ng virus, matapos itong sumailalim sa swab test kung saan nakitaan na ng mga sintomas.

Sabi ni Cruz, ang mga nagpositibo ay agad dinala sa isolation facilities para sa patuloy na monitoring

Agad din magsasagawa ng contact tracing ang CESU sa iba pang miyembro ng pamilya, na unang nagpositibo sa swab test.

Hanggang kahapon, April 29, nakapagsagawa na ang CESU ng swab testing sa 62 indibidwal na nagtungo rin sa birthday community pantry ng aktres, at kasalukuyang hinihintay na lang ang resulta ng kanilang RT-PCR.

Nananawagan pa rin ang health department ng Lungsod ng Quezon sa iba pang nagtungo sa community pantry ng aktres sa Brgy. Holy Spirit, na boluntaryong magtungo sa CESU para sumailalim sa swab test.