2 repatriation flights mula UAE at Malaysia, nakatakdang dumating sa Davao City

Nakatakdang dumating sa Lungsod ng Davao ang dalawang international flights mula Dubai, United Arab Emirates (UAE), at Kuala Lumpur, Malaysia bukas at sa Sabado.

Ayon kay City Tourism Operations Office (CTOO) head Generose Tecson, sakay sa nasabing flights ang mga repatriated Overseas Filipino Workers (OFWs) mula sa nasabing mga bansa.

Tinatayang nasa 350 hanggang 400 OFWs ang mula sa Dubai habang 150 naman mula sa Kuala Lumpur ang nakatakdang dumating sa Davao International Airport.

Kung maaalala, apat na iba pang repatriated flights ang dumating sa lungsod noong buwan ng Hulyo mula Bangladesh, UAE, at Malaysia.

Siniguro naman ng opisyal na mahigpit na ipinatutupad ang istriktong health protocols sa kanilang pagdating sa airport kabilang na ang pagpresenta ng negative RT-PCR test results.

Ang nasabing mga OFW ay sasailalim sa 14-day quarantine sa Davao City bago tuluyang makauwi sa kanilang mga lugar.

Photo courtesy: OWWA