2 public hospital sa Pangasinan, nakatakdang i-upgrade

DAGUPAN CITY–Nakatakdang i-upgrade ang pasilidad sa dalawang pampublikong pagamutan sa lalawigan ng Pangasinan na kinabibilangan ng Pangasinan Provincial Hospital sa lungsod ng San Carlos at Western Pangasinan District Hospital sa lungsod naman ng Alaminos.

Ayon kay Provincial Health Officer Dr. Anna Marie De Guzman, nakuha muli ngĀ  pamahalaang panlalawigan sa tulong ng Provincial Health Office ang Health Facilities Enhancement Program (HFEP) ng Department of Health para mapaganda ang mga serbisyong naipagkakaloob ng mga ospital na pinamamahalaan ng probinsya.

Kabilang sa mga nakatakdang ipaayos ay ang medical ward, intensive care unit, at neonatal intensive care unit ng PPH habang rehabilitasyon naman sa pediatric/medical ward, emergency room/pharmacy at laboratory building ng WPDH.

Nabatid na naglaan ang DOH ng P10.89 million para sa pagsasaayos ng pasilidad sa PPH na agad sisimulan kapag dumating na ang nasabing pondo.

Umaabot naman sa P3.46 million ang nakalaan para sa upgrading ng WPDH na pangangasiwaan naman ng Department of Public Works and Highways (DPWH)-Pangasinan 1st Engineering Office. | ulat mula sa DZMQ – Radyo Pilipinas Dagupan