2 police general at iba pang mga pulis, kinasuhan sa NAPOLCOM ukol sa pagpatay sa Calbayog City Mayor

Pinadi-dismiss sa serbisyo ang dalawang heneral at iba pang pulis, na umano ay sangkot sa pagpatay kay Calbayog City Mayor Ronaldo Aquino.

Ito ang inihaing reklamo ng anak ng alkalde na si Mark Aquino, kung saan nais niyang sibakin sa serbisyo ang mga sangkot sa pamamaslang. 

Idinawit din sa kaso si PNP Integrity Monitoring ang Enforcement Group Director Police Brigadier General Thomas Frias; Police Regional Office (PRO) – Eastern Visayas Director Police Brigadier General Ronaldo de Jesus, at Samar Provincial Director, Police Colonel Glenn Oliver Cinco at ilang john does.

Sinampahan ng kasong administratibo para sa gross misconduct at conduct unbecoming of a police officer sila Police Lieutenant Harry Villar Sucayre, Police Major Shyrille Co Tan, Police Captain Dino Laurente Goles, Police Lt. Julio Salcedo Armeza Jr., Police Staff Sergeant Niel Matarum Cebu, Police Staff Sergeant Edcel Tan Omega, Police Officer Nino Salem, Police Officer Julius Garcia at Police Officer Randy Merelos. 

Sa kanyang sinumpaang salaysay, mariing idiniin ng batang Aquino ang mga nabanggit na pulis, na umano ay responsable at may kinalaman sa pagpatay sa kanyang ama. 

Sinabi ni Aquino, na isinama niya sa kaso ang mga naturang matataas na opisyal dahil sa command responsibility.

Nauna na ring inirekomenda ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pagsasampa ng kasong kriminal sa ilang mga pulis, na direktang isinasangkot sa pagpatay kay Mayor Aquino noong March.

Ito ay matapos na ihayag ng NBI, na base sa kanilang imbestigasyon, ambush at hindi misencounter ang nangyaring shooting incident, sa pagitan ng grupo ng alkalde at mga pulis.

Una ng kinasuhan ng Philippine National Police (PNP) ang batang Aquino ng two counts of murder, matapos umanong barilin nito ang dalawang pulis Calbayog City noong araw na pinatay ang alkalde.