2 “persons of interest” sa Mosque bombing sa Zamboanga, hinahanap ng PNP 

Dalawang “persons of interest” ang pinaghahanap ng Philippine National Police (PNP) kaugnay ng pagpapasabog ng granada sa isang mosque sa Sitio Logoy Diutay, Brgy. Talon-Talon, Zamboanga City kahapon ng hatinggabi.

Ito ang inihayag ni PNP Spokesperson Sr. Supt. Bernard Banac, kaugnay ng insidente na ikinasawi ng dalawa at ikinasugat ng apat na iba pa.

Ayon kay Banac, walang CCTV footage na narekober sa lugar, at pinatay pa umano ng mga suspek ang streetlight kaya madilim sa labas ng mosque nung maganap ang paghahagis ng granada.

Sinabi naman ni Banac na ang insidente ay walang kinalaman sa Jolo Cathedral bombing, bagama’t iniimbestigahan pa kung ano ang posibleng motibo sa krimen.

Kahapon ay sinabi naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na posibleng may balak ang mga nasa likod ng pagpapasabog sa mosque na pag-awayin ang mga Kristiyano at Muslim para magkaroon ng “religious war” sa Mindanao.   | ulat ni Leo Sarne