2 panukala para sa pagpapalakas ng health sector ng Pilipinas, umusad na sa Kamara

Dalawang panukalang batas na layong palakasin ang pagbibigay ng health care sa mga Pilipino ang inaprubahan sa Kamara.

Una ang House Bill 9061 o Physicians Act na pinagtibay sa third at final reading.

Layon nito na i-update ang “standards and regulations” sa hanay ng mga doktor, at makatugon sa scientific advancements at sa modernong panahon.

Sa ilalim nito, ay bubuo ng Medical Education Council o MEC sa ilalim ng Commission on Higher Education, at isang Post-Graduate Medical Education Council.

Titiyakin dito ang regulasyon sa medical residency, maayos na working conditions, disenteng sweldo at benepisyo, kung saan ang “base pay” ay hindi bababa sa Salary Grade 22.

Kasama rin sa probisyon, ang pagpapahintulot sa mga dayuhan na makapag-practice ng medisina sa Pilipinas, bastat siya ay mula sa bansa kung saan ang mga Filipino citizen ay pinapayagan din na mag-practice ng medisina sa kaparehong kondisyon.

Pasado naman sa ikalawang pagbasa House Bill 9456 o Health Procurement and Stockpiling Act.

Titikayin nito na may access at sapat na suplay ang bansa sa gamot, bakuna, medical supplies, at equipment tuwing panahon ng public health emergency.

Lilikha naman ng Health Procurement and Stockpiling Bureau para sa pag-iipon, pag-iingat at pagpapadali sa paglalabas ng sapat na bilang ng medical supplies.