2 pang SUCs, pinayagan na magbukas ng doctor of medicine program ng CHED

Binigyan na ng go signal ng Commission on Higher Education ang Cebu Normal University-Vicente Sotto Memorial Medical Center at Western Mindanao State University na magbukas ng Doctor of Medicine Program ngayong academic year 2021-2022 .

Ayon kay CHED Chairman Prospero De Vera III, bahagi ito ng programa sa ilalim ng Doktor Para sa Bayan at Universal Health Care laws na layong madagdagan ang bilang ng mga doktor na itatalaga sa mga lugar sa bansa na hindi naaabot ng serbisyong medikal.

Sabi pa ni De Vera, agresibo ang CHED na tulungan ang mga nangungunang SUCs na makabuo ng medical programs.

Mula noong nakalipas na taon namigay na ng pondo ang CHED para makabili ng equipment ang medical schools ng  Mariano Marcos State University, University of Northern Philippines at West Visayas State University.

Mahigit na rin sa 1,000 estudyante sa walong SUCs na may medical programs ang nag benepisyo ng Medical Scholarship Program ng CHED mula 2017.