Dalawang NPA, patay sa magkahiwalay na enkwentro nitong Biyernes Santo at Sabado de Gloria

Dalawang NPA ang patay sa magkahiwalay na enkwentro sa boundary ng Misamis Oriental at Bukidnon nitong Biyernes Santo at Sabado de Gloria.

Iniulat ni Capt. Norman Tagros, tagapagsalita ng 403rd Infantry Brigade, na napatay ang unang NPA sa tatlong magkakahiway na enkwentro na naganap sa pagitan ng NPA at ng mga tropa ng 65th Infantry Battalion (65IB) at 1st Special Forces Battalion (1SFBn) kapwa ng 403 Bde sa Brgy. Minalwang, Claveria, Misamis Oriental, noong Biyernes Santo.

Na-recover ng mga tropa sa mga magkakasunod na enkwentro sa kampo ng mga NPA, ang labi ng napatay na NPA, samu’t saring bala at mahabang kable para sa improvised explosive device, mga subersibong dokumento at mga personal na gamit.

Ayon kay Tagros, ang ikalawang NPA ay napatay naman sa enkwentro nitong Sabado de Gloria ng mga tropa ng 43rd Division Reconnaissance Company sa lugar ding yun kung saan ilang NPA din ang sugatan.

Na-recover ng mga tropa ang labi ng napatay na NPA, isang M16 at isang M1 garand rifle.

Ipinaabot naman ni Brigadier General Eric Vinoya, Commander of the 403rd Infantry Brigade ang kanyang pakikiramay sa mga pamilya ng nasawing NPA.

Aniya, hindi sana mapapatay ang dalawang terorista kung sumuko na lang ang mga ito nang maaga tulad ng iba nilang mga kasamahan. | via Leo Sarne