2 NPA na nangingikil sa Barangay at SK candidates, nahuli ng Philippine Army sa Surigao del Norte

Nahuli ng mga tropa ng 30th Infantry (Python) Battalion sa ilalaim ng 402nd Infantry (Stingers) Brigade ng Philippine Army ang dalawang NPA na nangingikil sa Barangay at SK candidates sa Brgy. Can-aga, Malimono, Surigao del Norte.

Kinilala ni Capt. Al Anthony Pueblas, Civil-Military Operations Officer, ang dalawang nahuling NPA na sina Larry Vergara, 48, residente ng Mainit, Surigao del Norte at Felipe Daragoza 47, residente ng Agusan del Sur.

Ang dalawa ay kasama ng 15 NPA terrorists na pinaniniwalaang miyembro ng Guerilla Front 16B ng North Eastern Mindanao Regional Committee na naka-enkwentro ng mga tropa noong Sabado ng umaga sa lugar.

Ang mga tropa sa pamumuno ni 30IB Commanding Officer Lt. Col. Allen Raymund Tomas ay nagsagawa ng security operations sa lugar matapos na makatanggap ng reklamo sa pangingikil ng mga NPA ng tig-P15 libong piso sa mga Barangay at SK candidates para sa “permit to campaign” at “permit to win”.

Matagumpay na nakubkob ng mga tropa ang kampo ng NPA matapos ang 20 minutong labanan at nahuli ang dalawang NPA sa isinagawang pursuit operation sa mga nagsitakas.

Nakuha sa kampo ng NPA ang isang M16 rifle, anim na improvised explosive devices (IEDs), 10 backpacks, isang hand grenade, pitong hammocks, mga bala, isang Icom radio, isang sako ng bigas, medical supplies at subversive documents.

Nakuha naman ng mga tropa mula sa dalawang nahuling NPA ang dalawang IEDs, isang Icom radio charger, isang combat boots, isang improvised homemade shotgun at P53,000.00 cash na pinaniniwalaang extortion money. | via Leo Sarne