2 nahuling ‘kotong cops’ ng CITF sa NAIA, hindi miymebro ng PNP

Nilinaw ni Philippine National Police (PNP) Aviation Security Group (AVSEGROUP) Director Csupt Dionardo Carlos, na hindi miyembro ng AVSEGROUP ang dalawang airport Police na nahuli ng Criminal Investigation Task ForceĀ (CITF) dahil sa pangongotong.

Ayon kay Carlos, ang dalawang nahuli ay miyembro ng Airport Police Department na nasa ilalim ng Manila International Airport Authority na nilikha sa pamamagitan ng Executive Order 125.

Ayon naman kay CITF Spokersperson Police Senior Inspector Jewel Nicanor, kahit na hindi miyembro ng PNP ang dalawang nahuli, mandato parin ng CITF at PNP na tugisin ang sinumang involved sa anumang krimen.

Inaresto ng CITF sa isang entrapment operation bandang alas-9:30 kagabi sina Airport Police Officer 1 Pablo Atayde Jr. at Airport Police Officer 1 Danilo Levite Jr., matapos ireklamo na nangongotong sa mga drayber na kumukuha ng pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 2.

Kaninang umaga isinagawa ang inquest proceedings sa dalawang suspek sa harap ni Hon. Rina C Alcantara, Assistant City Prosecutor, Pasay City, para sa kasong robbery extortion. | via Leo Sarne