2 milyong doses ng Sinovac vaccine, darating sa bansa sa Mayo — Chinese Embassy

Kinumpirma ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian na may dalawang milyong doses ng COVID-19 vaccine na darating sa bansa sa susunod na buwan.

Ayon kay Ambassador Huang, 1.5 million doses ang paparating sa May 7.

Napapanahon aniya ang pagdating ng bakuna para masigurong matuturukan ng proteksyon ang mga Pilipino at makamit ang herd immunity laban sa virus.

Sinabi ng Chinese diplomat na nananatili ang commitment ng kanilang bansa na tulungan ang mga Pinoy na labanan ang pandemya.

Pinuri rin ni Huang si National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez Jr. dahil sa ipinamalas na dedikasyon at transparency sa pagbili ng gobyerno ng bakuna mula sa China.

Sa kasalukuyan, umabot na sa 3.5 million doses ang stockpile ng Sinovac vaccines sa Pilipinas kung saan 2.5 million dito ay binili ng national government.