2 kinidnap na pulis at iba pang hostages ng ASG, target ng militar na iligtas bago mag-eleksyon

Sinisikap ng militar na mailigtas ang dalawang kinidnap na pulis at iba pang hostages ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa Sulu bago idaos ang May 14 elections.

Ayon kay Brigadier General Cirilito Sobejana, Commander ng Joint Task Force (JTF) Sulu, bukod sa huling apat na dinukot kasama ang dalawang policewomen may hawak pa ang Abu Sayyaf na isang  Dutch, tatlong Indonesian, isang  Vietnamese at limang Pilipinong sibilyan.

Kahapon lang ay napatay ng mga tropa ng 21 Infantry Batallion ng JTF Sulu sa isang rescue attempt sa Sitio Sangay, Brgy. Buhanginan, Patikul, Sulu, ang tatlo sa mga kidnapper na kasama sa grupo na umano’y may hawak sa dalawang pulis.

Ang grupo ay pinamumunuan ni subleaders Idang Susukan at Almujer Yadah.

Ayon kay Sobejana, mababa na ang morale ng grupo at nasa “survival mode” na lang ang mga ito.

Sinabi ni Sobejana na tatlong batalyon ng sundalo ang naka-deploy ngayon sa ongoing pursuit at rescue operations ng militar para maligtas ang mga bihag. | via Leo Sarne