2 kawani ng factory na dinala sa ospital sa QC, ligtas na

Ligtas sa kritikal na kondisyon at nasa maayos nang lagay ang dalawang empleyado ng oil factory sa Caloocan na dinala sa ospital ng Quezon City.

Napaulat na nasa kritikal na kondisyon matapos makalanghap ng nakalalasong amoy sa Caloocan City, Linggo ng umaga ang kasalukuyan pang naka-confine sa East Avenue Medical Center o EAMC sa Quezon City na si Limuel Ibe, 31-anyos at Bobby Benitez, 24-anyos, at hinihintay ang resulta ng toxicologist na sumuri sa epekto ng nalanghap na kemikal o usok.

Kapwa sila nagtatrabaho bilang waste and water treatment plant operators.

Habang ang siyam na iba pa ay pinayagan nang makauwi matapos sumailalim sa medikal na pagsusuri.

Una rito, pasado alas-9:00 ng umaga, nililinis ng mga biktima ang grease trap ng Trans Asia Phils. Manufacturing Industries Corporation sa Gen. Luis St., Brgy. 166, Caloocan nang mawalan ang mga ito ng malay dahil sa nalanghap na mabahong amoy mula sa dumi.

Mabilis na isinugod ang mga biktima sa EAMC, kasama ang siyam pang empleyado na nahilo at nahirapang huminga nang makalanghap din ng mabahong amoy.

Itinanggi naman ng management ng Trans Asia ang naunang pahayag ng Caloocan City Disaster Risk Reduction and Management Office na ang dalawang empleyado ay nanghina matapos makaamoy ng hydrogen sulfate habang naglilinis ng grease trap.

Sinabi ni plant manager Rodel Gomez na walang chemical o gas leak at nilinaw nito na si Benitez at Ibe ay nawalan ng malay dahil sa mabahong amoy.