2 iniulat na casualties dahil sa Bagyong Ompong, bineberipika pa ng NDRRMC

Bineberipika  pa ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kung may kaugnayan sa bagyong Ompong ang iniulat na pagkasawi ng dalawang katao.

Ayon kay NDRRMC Spokesperson Edgar Posadas, nakatanggap na sila ng mga report na isa ang nasawi sa Bicol at isa pa sa ibang lugar, sa kanilang patuloy na pagmomonitor sa epekto ng bagyo.

Sa magdamag na ito aniya, kumpleto ang lahat ng personnel ng Office of Civil Defense (OCD) at NDRRMC sa National Operations Center na patuloy na tumatanggap ng reports mula sa kanilang mga tanggapan sa iba’t ibang lalawigan.

Tiniyak naman ni Posadas na hindi magkakaroon ng problema sa komunikasyon sa kanilang nga field units at na-testing na nila ang alternatibong komunikasyon na gagamitin kung sakaling mawalan ng regular na komunikasyon.

Sa pinakahuling report ng NDRRMC kagabi, umabot na sa mahigit 3,500 pamilya o mahigit 15,000 indibidwal ang naisalalim sa pre-emptive evacuation sa Metro Manila, Western, Eastern at Southern Visayas, Bicol at Southern Tagalog.

May mga reports na rin aniya silang natanggap na kinailangang magsagawa ng forced evacuation sa ilang mga lugar, pero sa pangkalahatan aniya ay boluntaryong nagsilikas ang karamihan sa mga inilikas. | ulat ni Leo Sarne