2 Indian national na sangkot umano sa pagbebenta ng ‘high-grade’ na droga, arestado ng PDEA

Nalambat ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang dalawang Indian national na sangkot umano sa pagbebenta ng high-grade na marijuana at ecstacy sa Alabang Hills Village sa Cupang, Muntinlupa.

Aabot sa mahigit isang milyong pisong halaga ng kush at hashish na mga imported na variety ng marijuana ang nasamsam sa mga suspek na kinilalang sina Rajiv Gidwani at Jeremiah Alero Carillo.

Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, noong araw pa ng Huwebes naaresto ang mga suspek na ang mga parokyano ay mga anak ng mayayaman, artista at mga kabataang mahilig sa gimikan.

Matapos aniyang makakuha ng search warrant sa korte agad nagkasa ng follow-up operation ang mga operatiba sa bahay ni Gidwani at nakakuha ang mga awtoridad ng mahigit 160 piraso ng ecstacy, ilang plastic ng kush at mga drug paraphernalias.

Habang nagsasagawa naman ng inventory, inaresto rin ng PDEA si Nari Kishinchand ang ama ni Gidwani matapos umano nitong suhulan ng isang milyong piso ang mga ahente kapalit ng pagpapalaya sa naaresto nitong anak. | ulat ni Shane Juan