2-araw na “National Child Protection Summit”, sisimulan bukas

Ang Department of Education (DepEd), katuwang ang United Nations Children’s Fund (UNICEF)-Philippines at Child Protection Network Foundation, Inc. ay pupulungin ang mga guro, youth representatives, guidance counselors, school heads, child rights advocates, at iba pang education stakeholders mula sa iba’t ibang government at non-government organizations para sa “National Child Protection Summit 2018” simula bukas, Agosto 23-24, sa SMX Convention Center sa Pasay.

May temang “Strengthening the Implementation of the Child Protection Policy”, layon ng summit na bigyang-pagkakataon ang mga kalahok na alamin ang mga istratehiya upang isulong ang pagpapatupad ng DepEd Order No. 40, series 2012, o ang “Child Protection Policy” nang sa gayun ay mapalakas pa ang pagtaguyod ng kapakanan ng mga batang mag-aaral.

Iginiit ni Education Secretary Leonor Briones na isa sa pangunahing prayoridad ng kagawaran ay magbigay ng ligtas, mapagkalinga at ligtas sa takot na kapaligiran sa pag-aaral hindi lang para sa mga estudyante kundi para rin sa mga guro at iba pang tauhan ng paaralan. Ang pagtitipon umano ay tutulong sa DepEd para masiguro ito.

Ang aktibidad ay tugon din sa mga target ng “Philippine Plan of Action to End Violence Against Children for 2017-2022” na nagtatakda na ang kagawaran ay may papel sa pagbawas ng pag-iral ng karahasan laban sa mga bata.  | ulat ni Ched Oliva