194 pulis na sangkot sa katiwalian, nakasuhan ng PNP-CITF

Umabot sa 194 na mga pulis ang nasampahan na ng kaso ng Philippine National Police-Counter Intelligence Task Force (PNP-CITF) dahil sa pagkakasangkot sa mga katiwalian.

Ito ang accomplishment report ni dating CITF Commander Senior Superintendent Chiquito Malayo, na nagturn-over ng kanyang pwesto kahapon sa bagong CITF Commander na si Senior Superintendent Romeo Caramat Jr.

Batay sa datos ng CITF 82 na mga pulis ang isinailalim agad sa regular filing at walang nangyaring pag-aresto, kung saan siyam ay Police Commissioned Officer (PCO) at 73 ay Police Non-Commissioned Officer (PNCO). Habang 74 ay inaresto muna bago sinampahan ng kaso, kung saan tatlo rito ay PCO at 71 ay PNCO. 38 naman ang sinampahan ng kasong admistratibo kung saan 12 ay PCO at 26 ang PNCO.

Ang mga inaresto at nasampahan ng kasong administratibo na pulis ay simula nang itatag ang PNP-CITF hanggang noong June 4, 2018.

Una nang sinabi ni PNP Chief Police Director General Oscar Albayalde na sa kanyang pamumuno sa PNP ay paiigtingin nya ang internal cleansing.

Simula nang maupo si Albayalde, 25 pulis na binibuo ng dalawang PCO At 23 PNCO ang nakasuhan dahil sa katiwalian. | Ulat ni Leo Sarne