19 na NPA, sumuko sa militar sa kanilang anibersaryo

Ipinagdiwang ng 19 na miyembro ng New People’s Army (NPA) ang kanilang anibersaryo sa pamamagitan ng pagsuko sa 4th Infantry Division ng Philippine Army noong hatinggabi ng December 25.

Ayon kay Armed Forces Chief of Staff Lt. Gen. Benjamin Madrigal Jr, isang “Happy Anniversary” talaga ang pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng CPP-NPA kung mas marami pa sa kanilang miyembro ang susuko.

Kabilang sa 19 na sumuko ang mga commanding officers, secretary, squad leaders, medics, at miyembro ng NPA.

Kasamang isinuko ng mga ito ang isang M16 rifle, isang M203 grenade launcher, tatlong M16 Bushmaster rifles, dalawang M16 Elisco rifles, isang baby M16, apat na pistols, at ilang war materiel at subversive documents.

Ayon kay Madrigal ang mga pag-atake ng NPA nitong mga nakalipas na araw ay pagpapakita lang ng kanilang desperasyon dahil halos 11,500 miyembro at tagasuporta nila ang sumuko nito lang 2018.

Sinabi ni Madrigal na bukas-kamay na tatanggapin ng pamahalaan ang mga NPA na nais na sumuko na bibigyan pa ng mga benepisyo sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng pamahalaan, habang pihadong kamatayan ang naghihintay sa mga patuloy na makikipaglaban.  | ulat ni Leo Sarne