18 naaresto ng NCRPO, mula noong Linggo sa election period violations

Labing-walo na ang naaresto ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Metro Manila mula noong Linggo dahil sa mga paglabag na may kinalaman sa election period na nagsimula noong Linggo ng hatinggabi.

Batay sa datos ng NCRPO, walo ang naaresto sa mga checkpoint operations habang 10 naman ang mga naaresto sa pagpapatrolya.

Kaugnay ng umiiral na Commission on Elections (COMELEC) gun ban, limang armas ang nakumpiska sa Metro Manila na binubuo ng tatlong maliliit na armas, at dalawa pang ibang armas tulad ng paltik, sumpak o replika ng baril.

Sa mga deadly weapons naman na nakumpiska, nasa 10 ang nakumpiskang patalim habang nasa 28 naman ang mga bala.

Ang mga datos ng NCRPO na ito ay isasama ng PNP Directorate for Operations sa mga datos mula sa iba’t-ibang Police Regional Offices nationwide, at regular na iuulat sa publiko.

Paalala ng PNP sa publiko na huwag magdala ng mga kontrabando, partukular ng mga baril, kahit na ito’y lisensyado sa labas ng bahay habang umiiral ang election period, para makaiwas sa abala.  | ulat ni Leo Sarne