Pambobomba sa Jolo, itinuturing ng DILG na lutas na, pero pagtugis sa iba pang kasabwat nagpapatuloy

Ikinukunsidera na ng Department of the Interior and Local Government na lutas na ang kaso ng pambobomba sa Our Lady of Mount Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu kasunod ng pagsuko ng limang pangunahing suspect.

Ito’y sa kabila na may manhunt operation pang ginagawa ang government authorities para sa paghuli sa 14 pang kasabwat, kabilang si Abu Sayyaf sub-leader Hatib Hajan Sawadjaan.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, kinasuhan na ng 23 counts ng murder, 95 counts ng frustrated murder, at damage to property ang limang akusado sa Sulu Provincial Prosecutor’s Office noong Lunes.

Idinamay na rin sina Sawadjaan, Usman Absarah, Barak Ingog, Makrim Abisi, Bapah Absara, isang alias Ebing, at iba pa.

Pinayuhan pa ng DILG chief, ang mga law enforcers na patuloy na maging mapagbantay at alerto para sa seguridad at kapakanan ng mga mamamayan.

Hinimok din ang publiko na makipagtulungan sa pulisya o barangay sa anumang ‘suspicious activities’ ng sinumang grupo o indibiduwal na makikita sa kanilang komunidad. | ulat ni Rey Ferrer