17 lugar sa QC, isinailalim sa lockdown dahil sa paglobo ng COVID cases

Hindi pa man nagsisimula ang lockdown sa buong National Capital Region (NCR), agad ipinag-utos ni Mayor Joy Belmonte ang enhanced community quarantine sa 17 lugar sa Quezon City.

Ito ay dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nahahawaan ng virus sa nakalipas na dalawang linggo.

Base sa inisyal na datos ng City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU), mabilis na umakyat ang bilang ng mga lugar sa QC na tinamaan ng COVID-19.

Kabilang sa mga tinukoy ng CESU ay ang isang lugar sa Luke St. Hobart Subdivision 2 Brgy. Kaligayahan; isang lugar sa Quirino Highway Brgy. Gulod; isang lugar sa ROTC Hunters, Cluster 7 Brgy. Tatalon; isang lugar sa G. Araneta Avenue Brgy. Santol; isang lugar sa Upper Banlat Brgy. Tandang Sora, Tabigo St. Brgy. Commonwealth; isang lugar sa Solville Subdivision Brgy. Talipapa; isang lugar sa Ilang-Ilang St. Brgy. Batasan Hills; isang lugar sa Davao St. Brgy. Alicia; at isang lugar sa Shelter Homes Brgy. Batasan Hills.

Lockdown din sa mga lugar ng Cotabato St. Brgy. Alicia; Agueda St. Brgy. Bahay Toro; Esteban Abada Brgy. Loyola Heights; Emerald Lane, Morning Star Drive Brgy. Culiat; Ipo St. Brgy. Salvation, Mang David St. Brgy. Baesa; at Ocampo St. Brgy. UP Campus.

Agad namahagi ang lokal na pamahalaan ng Quezon City ng ayuda sa mga apektadong residente.