17-anyos na dalagita, nakatakas sa mga kuta ng teroristang NPA sa Surigao Del Sur

Si alyas Jillian, 17-anyos, tumakas mula sa kuta ng mga teroristang New People’s Army (NPA) sa Surigao del Sur, at matagumpay na na-rescue ng Bravo Company ng 36th Infantry Battalion, Philippine Army, ala-1 ng hapon noong July 2.

Sa panayam ngayong umaga kay Captain Francisco Garello Jr., Spokesperson ng 36IB, si Jillian ay residente ng Barangay Batugan, San Miguel, Surigao del Sur.

Siya ay hinikayat ng mga NPA noong December 2017, na sumama upang makita ang pinsan na miyembro ng NPA North Eastern Mindanao Region Committee, na si Jessie Mahinay, alyas Darwin, dahil gusto raw itong umuwi.

Ngunit, hindi na siya binitawan ng mga NPAs at tinatakot na barilin sa paa kung magtatangkang tumakas.

Kahapon, nakakita ng oportunidad ang dalagita at agad nakipag-ugnayan sa militar, at ayon kay Garello, dalawang beses na ang ginawang pagtatangkang pagtakas ni Jillian.

“Itong ginawa sa kanya, pagpapatunay, na ito ay indikasyon, na ang mga teroristang NPA ay patuloy na humihina dahil they are resorting in enticing minors, dahil madaling makuha at ma-manipulate,” ayon kay Garello.

Ngayong araw, July 3, itinakdang i-turn-over muna ng 36IB si Jillian sa Municipal Social Welfare and Development ng San Miguel bago ibalik sa sariling pamilya. | Ulat ni Jocelyn Morano, Radyo Pilipinas Butuan City

Photo courtesy of 36 Infantry Battalion, Philippine Army