Pangulong Duterte, hindi magdadalawang isip na magpadala ng Marines sa Boracay kung kinakailangan

Hindi magdadalawang-isip ang Pangulong Rodrigo Duterte na magpadala ng Marines o di kaya’y pasabugan ng dinamita ang mga iligal na istraktura sa Boracay Island.

Ito ang tugon ng Palasyo sa patuloy na pagtutol ng ilang resort owners na kusang gibain ang istraktura nilang nasa mga lugar na hindi dapat pagtayuan.

Sa press briefing sa Malacañang ngayong araw, iginiit ni Presidential Spokesperson Harry Roque na immediately executory ang desisyon laban sa mga iligal na istraktura sa isla, partikular na sa kontrobersyal na West Cove Resort doon.

Hindi aniya makakaapekto sa ginagawang rehabilitasyon ng Boracay ang isinumiteng apela ng may-ari ng West Cove na si Crisostomo Aquino sa Office of the President na ipatigil ang demolisyon.

Sinabi pa ni Roque na hindi mababago ng apelang ito ang desisyon ng DENR at DILG, lalo’t ang Pangulong Duterte mismo ang nag-utos kina Environment Secretary Roy Cimatu at DILG OIC Eduardo Año na isaayos agad ang Boracay.

Sa ngayon ay plano na rin aniya ng lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan, na humingi ng tulong sa Philippine Marines kung kinakailangan para mapasunod ang nagmamatigas na resort owner. | via Nimfa Asuncion