1,506 na human rights violation ng CPP-NPA, naitala ng AFP

Nakapagtala ang Armed Forces of the Philippines ng 1,506 na paglabag ng CPP-NPA sa International Humanitarian Law mula 2010 hanggang 2020.

Ito ang iniulat ni BGen. Alejandro Nacna, The Director of AFP Center for Law of Armed Conflict (AFPCLOAC), sa kumperensya ng National Task Force To End the Local Communist Armed conflict (NTF-ELCAC) na pinamagatang “TAGGED: Debunking lies by telling the truth”.

Ayon kay BGen. Nacnac, sa nakalipas na 10 taon, 544 na kabataan ang ginawang child warriors ng NPA kung saan 6 ang nasawi, 11 ang sugatan at 464 ang sumuko.

Responsable din aniya ang NPA sa 532 insidente ng paninira ng pribadong ari-arian, kung saan pinakamarami ay sa Region 13 na may 103 insidente.

Iniulat din ni BGen. Nacnac na patuloy ang paggamit ng NPA ng mga anti-personnel mines, kung saan 141 insidente ang nagresulta sa pagkamatay ng 32 at pagkasugat ng 163 sundalo at pagkamatay ng lima at pagkasugat ng 24 na sibilyan.

Sangkot din aniya ang CPP-NPA sa 289 na insidente ng “willful killing” na nagresulta sa 77 military casualty at 296 na civilian casualty.