15 people’s organizations na namukod-tangi sa pangangasiwa ng kagubatan, kinilala ng DENR

Bibigyang-pugay ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), sa pamamgitan ng Forest Management Bureau nito, ang 15 people’s organizations na matagumpay na nagpatupad ng Community-Based Forest Management (CBFM) program ng gobyerno.

Ang mga naturang People’s Organization mula sa upland at coastal communities sa iba’t ibang bahagi ng bansa ay kikilalanin sa “3rd CBFM Practitioners’ Congress” na gaganapin bukas, Disyembre 11, sa Manila Hotel.

Ayon kay Forest Management Director Nonito Tamayo, ang nasabing okasyon ay kikilalanin ang mga People’s Organization na nagpapalaganap ng “best practices” sa lugar
ng livelihood at enterprise development habang nagpapakita ng malaking pagtaas sa “forest cover” sa loob ng mga CBFM area.

Ang naturang pagtitipon ay bahagi ng pagsisikap ng ahensya na mapag-ibayo ang pagpapatupad ng CBFM dahil ang mga kalahok ay muling kukunsultahin ang isa’t isa upang i-update ang ‘program guidelines.’

Ang mga aral at karanasan ng 15 People’s Organization ay gagamitin din upang ayusin ang CBFM framework na ipapatupad sa susunod na 25 taon.

Ang tema ngayong taon ay “CBFM: Para sa Kalikasan at Kabuhayan,” na binibigyang-diin ang socio-economic at environmental objectives ng programa, maging ang kasalukuyang advocacy campaign ng DENR na “Tayo ang Kalikasan.”

Inaasahang dadalo dito ang may 500 delegado, kasama ang mga kinatawan mula sa halos 2,000 People’s Organization na ginawaran ng 25-year CBFM contracts, mga lokal na pamahalaan, non-government organization, at academe. | ulat ni Ched Oliva