14-day mandatory quarantine para sa inbound traveler patungong Pilipinas, pinaghigpit ng IATF

Patuloy ang mga paghihigpit at hakbang na ipinatutupad ng pamahalaan upang matiyak na hindi na makakapasok ang ibang variant ng COVID-19 sa bansa, kabilang na dito ang double mutant variant na naitala sa India.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ipatutupad na sa mga darating na biyahero sa bansa ang 14-day mandatory quarantine, nabakunahan man ang mga ito laban sa COVID o hindi.

Base sa pinakahuling resolusyon ng IATF, ang unang 10 araw ng quarantine ng mga travelers ay dapat na isagawa sa mga quarantine facility.

Sa ikapitong araw ay sasailalim sa swab test ang mga ito, kahit pa negatibo ang kanilang PCR test result pagpasok ng Pilipinas.

Ang natitirang apat na araw naman ng quarantine ng mga biyahero ay maaari nang gawin sa kanilang tahanan, ngunit kailangang alam ng LGU ang kanilang pag-uwi, upang ma-monitor pa rin ang mga ito.

Ang Department of Tourism (DOT) ang inatasang manguna sa One Hotel Command para dito.

“To operationalize these protocols, the Department of Health (DOH), the Department of Foreign Affairs (DFA), the Department of Transportation (DOTr), the Department of Labor and Employment (DOLE), the Bureau of Quarantine (BOQ), the Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) have been directed to issue advisories for widest dissemination regarding current testing and quarantine protocols,” pahayag ni Secretary Roque.