132,000 AstraZeneca at 29,000 ng Pfizer, dumating sa Davao City

Dumating na sa Davao International Airport ang dagdag na doses ng bakuna laban sa COVID-19, sakay ng Cebu Pacific Flight 5J 969 mula Manila.

Ayon kay Yasuy Avila, Health Education and Promotion Officer ng Department of Health Davao, nasa 132,000 doses ng AstraZeneca vaccine, 80 doses ng Sinovac at 29,250 doses ng bakuna laban sa COVID mula sa Pfizer, ang dumating sa lungsod.

Napag-alaman na bahagi ng mabibigyan ng mga doses ng bakuna mula sa Astrazeneca, ay para sa second dose ng mga frontline healthcare workers na unang nabakunahan noong buwan ng March.

Samantala, ang natitirang 112,000 doses naman nito ay para sa first at second dose para sa priority group A2 o senior citizen.

Mula sa airport, agad na idinala ang mga vaccine sa cold storage facility ng DOH, habang ang Pfizer naman ay idinala sa Ultra Low Freezer ng Southern Philippines Medical Center (SPMC).