13 U-turn slots sa EDSA, isasara ng MMDA para sa bus lane

Inanunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na unti-unting isasara ang 13 U-turn slots sa EDSA sa susunod na tatlong buwan para bigyang-daan ang bagong bus lane.

Ayon kay MMDA Spokesperson Assistant Secretary Celine Pialago, tatlong U-turn slots ang isasara sa Caloocan City partikular ang General Tinio, De Jesus/8th Street at General Malvar kaya lahat ng sasakyan na southbound ay iikot sa Monumento Circle at sa Balintawak Cloverleaf kung northbound.

Sa Quezon City ay pitong U-turn slots ang hindi madaraanan at ito ay sa Balintawak Market sa tapat ng BPI, Kaingin Road, Congressional LRT Station sa tapat ng PANORAMA, Corregidor Intersection / Bansalangin, tapat ng Quezon City Academy, North Avenue at Santolan/Boni Serrano sa tapat ng Camp Crame.

Inihayag din ni Pialago na isasara ang Buendia U-turn slot sa Makati City pati na ang P. Celle U-turn slot at bago mag-Roxas Boulevard malapit sa Heritage Hotel sa Pasay City.

Magtatalaga aniya ang MMDA ng alternatibong U-turn slots para sa mga motorista.

Paliwanag pa ng opisyal na bibilis ang biyahe ng mga bus sa EDSA dahil sa pagsasara ng U-turn slots na gagamitan ng barriers.