13 DAR Cebu Officials, kakasuhan matapos mabigong ipamahagi ang mga titulo ng lupa sa ARBs

Ipinag-utos ngayon ni Agrarian Reform Secretary Bro. John Castriciones, ang pagsasampa ng mga kasong kriminal at administratibo sa 13 opisyal ng ahensya na nakabase sa Cebu, dahil sa kabiguan ng mga ito na ipamahagi ang titulo ng lupa sa agrarian reform beneficiaries (ARBs).

Sa kanyang pagharap sa mga mamamahayag, sinabi ni Castriciones, nagdesisyon siyang sampahan ng kaso ang kanyang mga tauhan dahil makailang beses silang binigyan ng pagkakataon, na pabilisin ang proseso sa pamamahagi ng certificates of land ownership award o CLOA.

Ang kasong mga kriminal at administratibo, ay planong isama ng DAR sa Ombudsman, kalakip ang mga dokumento at testimonya ng binuong task force na nag-imbestiga.

Iginiit ng kalihim, walang karapatan ang mga opisyal ng DAR Cebu, na ipitin ang distribution ng mga titulo sa oras na naibigay ito ng ahensya at Registry of Deeds.

Nag-ugat ang kaso matapos matuklasan ni Castriciones na nakaimbak lang ang mga titulo sa Land Transfer and Implementation Division ng DAR, sa Provincial Office nito sa Cebu.

Ang naturang mga titulo, ay sakop mula noong 1987 hanggang 2020, na hindi ipinamahagi ng mga nakaraang administrasyon.

Bukod sa 2,007 na mga hindi naipamahaging titulo, mayroon pang 3,391 na mga land title ang hindi naipamahagi, na ibinigay ng Landbank of the Philippines.

Matapos ang bigong pamamahagi, agad ipinag-utos ng kalihim sa Provincial Agrarian Reform Officer sa Cebu, ang pamamahagi nito sa 422 na beneficiaries na may kabuuang 315.2704 hectares.

Agad ding inatasan ng kalihim ang lahat ng regional directors, na magsumite ng kanilang inventory sa mga hindi pa naipapamahagi na mga titulo.