12,000 pulis, naka-deploy sa mga sementeryo ngayong Undas

Sisiguruhin ng Philippine National Police (PNP) na masusunod ang mga minimum health protocol, sa paggunita ng Undas sa ilalim ng new normal.

Para mapangalagaan ang kaligtasan at kalusugan ng publiko, sinabi ni PNP Deputy Chief for Administration at Joint Task Force COVID 19 Shield Commander Police Lieutenant General Guillermo Eleazar, na 12,000 pulis ang pina-deploy ni PNP Chief Police General Camilo Pancratius Cascolan sa mga sementeryo at kolumbaryo ngayong Undas.

Maliban sa mga pulis, sinabi ni Eleazar, na aabot din sa 17,000 force multipliers ang kanilang makaka-agapay para matiyak na hindi magsisiksikan ang mga nagsisipagtungo sa mga nabanggit na lugar, upang maiwasan ang hawaan ng sakit.

Batay kasi sa inilabas na panuntunan ng Inter Agency Task Force (IATF), 30 porsiyento lang ng kabuuang kapasidad ng mga sementeryo at mga kolumbaryo ang papayagan sa loob.

Kasalukuyan ng dumadagsa ang publiko sa nabanggit na mga lugar, dahil nakatakda itong isara sa araw ng Huwebes, October 29, na magtatagal naman hanggang November 4 ng taong kasalukuyan.