12 NHA officials, pinakakasuhan ng PACC sa Ombudsman

Inirekomenda na ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) sa Office of the Ombudsman na kasuhan ang labing dalawang opisyal ng National Housing Authority (NHA), dahil umano sa mga anomalya sa Yolanda Permanent Housing Program.

Base sa kanilang rekomendasyon, kasong kriminal at administratibo ang nais maisampa ng PACC sa mga opisyal ng NHA.

Ayon kay PACC Chairperson Dante Jimenez, lumabas sa kanilang imbestigasyon sa Eastern Samar, na nasa 36 housing units lang ang naipamahagi, pero sa kontrata nito sa J.C Tayag Builders na nagkakahalaga ng P741.53 million, 2,559 units dapat ang nai-award na unit para sa mga biktima ng bagyo.

Halos anim na taon aniya ang nakalipas mula nang manalasa ang bagyong Yolanda, hanggang ngayon anila, ay wala pa ring natatapos na proyekto, lalo na ang mga pabahay para sa mga survivor na nawalan ng tahanan.