11,000 palalayaing preso, imo-monitor ng PNP 

Imo-monitor ng Philippine National Police (PNP) ang 11,000 presong nakatakdang palayain dahil sa “good behavior”.

Ayon kay PNP Chief Police General Oscar Albayalde, ito lang ang magagawa ng PNP sa gitna ng pangamba ng publiko na maaring manumbalik sa kanilang mga dating gawi ang mga dating kriminal na palalayain.

Giit ng PNP chief, walang kinalaman ang PNP sa desisyong palayain ang mga naturang preso dahil mayroong sinusunod na batas sa pagpapalaya ng mga ito.

Una na ring sinabi ni PNP Spokesperson P/Brig. Gen. Bernard Banac na wala silang nakikitang banta sa komunidad mula sa mga palalayaing preso.

Aniya, ang mga palalayain dahil sa “good behavior” ay nagpakita sa kanilang kilos sa loob ng kulungan na sila ay nagbago na.

Gayunpman, siniguro din ni Banac na hindi mag-aatubili ang PNP na arestuhin muli ang mga ito kung may ginawa silang panibagong paglabag sa batas.