11 suspek at ilang “John Does” sa Jolo Cathedral bombing, pormal nang sinampahan ng kaso

Pormal nang sinampahan ng kaso kahapon sa Sulu Provincial Prosecutor’s Office ang 11 suspek at ilang “John Does” kaugnay ng Jolo Cathedral bombing.

Ang mga suspek ay nahaharap sa 23 counts ng murder sa 23 taong nasawi sa insidente at 95 counts ng frustrated murder sa mga nasugatan, at damage to property.

Kabilang sa mga kinasuhan ang limang suspek na nasa kustodiya na ng mga awtoridad na kinabibilangan ni Kammah L. Pae alyas Kamah; Albadji Gadjali alyas Awag; Radjan Gadjali alyas Radjan; Kaisar B. Gadjali alyas Issal; at Said Alih alyas Papong.

Kasama ding kinasuhan sina: Hatib Hajan Sawadjaan alyas Imam; Usman Absara alyas Usman; Barak Ingog alyas Bars/Barak; Makrim Habisi alyas Makrim; Absara alyas Bapah Absara; isang alyas Ebing; at ilan pang mga “John Does”.

Ang mga kinasuhan ay pawang mga miyembro ng Adjang-Adjang/Abu Sayyaf group na kasama umano sa pagplaplano at pagsasakatuparan ng Jolo Cathedral bombing noong Enero 27.   | ulat ni Leo Sarne