10,000 NPA neutralisado – AFP

Nauubusan na ng pwersa ang New People’s Army (NPA) kaya desperado na ang komunistang grupo na magrecruit ng mga mag-aaral bilang pang-puno sa kanilang mga ranggo.

Ito ang inihayag ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Brig. Gen. Edgard Arevalo sa isang statement, kung saan kanyang iniulat na as of October 3 ay umabot na sa 10,049 ang mga NPA at NPA sympathizers na neutralisado ng pamahalaan.

Kasama sa bilang na ito ang 939 NPA regulars na sumuko at 104 NPA regulars na napatay sa mga engkwentro sa AFP.

Kasabay nito, pinanindigan ni Arevalo na talamak ang NPA recruitment sa ilang mga paaralan na kabilang sa listahan na una nilang nilabas.

Ilan sa 18 paaralan na nasa listahan ay tinatarget naman ng NPA para sa kanilang recruitment activities.

Modus aniya ng panghihikayat ng NPA sa mga mag-aaral, ay impluwensiyahan muna ang mga estudyante na maging aktibista, pagkatapos ay i-mobilisa ang mga ito bilang militante, at pagkatapos ay tuluyang i-recruit sa NPA.

Sinabi ni Arevalo, na makikipagugnayan ang AFP sa mga paaralang ito at sa Commission On Higher Education (CHED) upang mahadlangan ang recruitment modus na ito ng NPA. | ulat ni Leo Sarne